Aminado ang Heavy Bombers na magiging matinik ang landas na kanilang tatahakin sa nakatakdang pang-alas-5 ng hapong sagupaan nila ng Blazers kung saan naghahangad din ito na mapaganda ang kanilang kartada.
Matapos ang anim na laro, nananatiling walang talo ang Heavy Bombers at ang matayog na katayuan ang kanilang magiging inspirasyon sa pagsabak sa aksiyon kung saan siguradong babandera naman sa opensa si Ernani Epondulan.
Isa sa dapat na resolbahin ng St. Benilde ay ang ma-check sa perimeter area si Epondulan dahil ito ang siguradong isa sa magpapasakit ng ulo ni coach Dong Vergeire.
Sa huling panalo ng Heavy Bombers kontra sa Letran Knights, 85-81 noong nakaraang Linggo, humakot si Epondulan ng 39 puntos na tinampukan ng 11 triples.
"Ito na siguro ang resulta ng aming mga paghihirap noong summer. Sana na lang ay huwag maulit ang nangyari last year na parang masyado kaming maagang nag-peak at hindi din umabot sa finals," pahayag ni Epondulan.
Nauna rito, nais naman ng San Beda na mawakasan na ang kanilang limang sunod na kabiguan upang mapalakas ang kanilang kampanya para sa susunod na round sa paghaharap nila ng Mapua Institute of Technology sa dakong ala-1:30 ng hapon.
Nasa ilalim na katayuan ang Red Lions sanhi ng kanilang 1-5 win-loss slate, habang nagtataglay naman ang Cardinals ng 3-3 kartada.
Sa dalawang junior games, nakatakdang magtipan ang Red Robins at ang Red Cubs sa alas-12 ng tanghali, bago sasagupain naman ng Light Bombers ang Baby Blazers sa alas-3:30 ng hapon. (Ulat Ni Maribeth Repizo)