Ikaanim na panalo na higit pang magpapasolido ng kanilang kapit sa long liderato ang di pakakawalan ng Heavy Bombers sa kanilang pang-ala-1:30 ng hapong pagtitipan ng Letran Knights.
Tanging ang Jose Rizal lamang ang nananatiling malinis ang katayuan bunga ng kanilang 5-0 panalo-talo karta sa walong koponang naglalaban-laban sa first round ng elimination.
Ang 85-81 panalo ng JRU sa host Philippine Christian University noong Sabado ang gagawing inspirasyon ng Heavy Bombers sa kanilang pakikipagdigma sa Knights na inaasahan na nilang gagawa ng eksplosibong opensa upang makawala sa three-way logjam para masolo ang ikalawang puwesto.
Nag-iingat ang Knights ng 3-2 panalo-talo karta, katabla ang San Sebastian College at Mapua Tech. Cardinal. Ang panalo ng Letran ang maglalagay sa kanila sa solong ikalawang posisyon.
Siguradong hataw kalabaw sina Ren Syhongpan at ang beteranong si Jason Mi-solas, habang mangangasiwa naman sa depensa sina Ronjay Enrile, Ismael Junio at Harold Sta. Cruz upang tapatan ang lakas ng JRU na siguradong sasandal sa beteranong si Ernani Epondulan, Ariel Capus at Rendell dela Rea.
Sa isa pang senior game, pipilitin ng St. Benilde na wakasan na ang kanilang tatlong sunod na kamalasan upang pagandahin ang kanilang kampanya sa first round sa nakatakdang pakikipaglaban sa San Sebastian sa alas-5:30 ng hapon.
Siguradong magiging mainit ang sagupaan ng dalawang koponan kung saan hangad rin ng Baste na maikamada ang kanilang ikaapat na panalo para rin masolo ang ikalawang puwesto, habang nais naman ng Blazers na makaangat sa kanilang 2-3 record.
Ang aksiyon ay bubuksan ng junior counterparts ng Letran Squires at Light Bombers sa alas-12 ng tanghali, bago magkikita naman ang Staglets at ang Greenhills Blazers sa alas-3:30. (Ulat ni Maribeth Repizo)