Panawagan ng FIBA sa BAP sinuportahan ng MBA

Isang hakbang ang ginawa kahapon ng MBA board upang magkaroon ng resolusyon sa gulong nagaganap ngayon sa Basketball Association of the Philippines ang suportahan ang panawagan ng International Basketball Federation (FIBA) para sa pagkakasundo ng BAP.

Gagawin ng MBA board ang lahat ng kanilang makakaya upang ibigay ang buong suporta na mapagkasundo ang nag-aaway na grupo nina Gonzalo "Lito" Puyat at Quintellano "Tiny" Literal dahilan upang suspindihin ng FIBA ang BAP sa world basketball governing body.

Pinabalik na rin ng mga MBA owners sa kani-kanilang mother team ang mga manlalaro ng national at ito ay ipatatawag na lamang kung kinakailangang katawanin ang bansa sa international competitions sa hinaharap.

"We are not turning our backs from our commitment. First and foremost, we are Filipinos and are proud to carry our tri-color in international competitions. We have kept that in our minds, despite controversies and intrigues," ani MBA chairman Santiago Araneta ng Batangas Blades.

Matatandaan na ang bansa ay sinuspindi na lumahok sa mga international competitions dahil na rin sa utos ng FIBA. Malabo na ring makalahok ang Pilipinas sa nalalapit na Southeast Asian Games sa Setyembre sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Samantala, di nababahala si Literal sa ipinagkaloob na taning ng FIBA para maalis ang suspension ng BAP.

Ang pitong araw na taning na ibinigay ng FIBA para maayos ang gusot sa BAP ay nagwakas na kahapon at hanggang ngayon, kapwa nagmamatigas pa rin ang dalawang panig at isa man sa kanila ay walang gustong bumaba.

Maging si Manny Pangilinan ay ayaw na ring makisali sa gulong ito at siya na mismo ang naglayo ng kanyang sarili.

"Mr. Pangilinan is out," wika ni Literal," His lawyers have told us that he is no longer interested and that he has more problems to take care of his own companies."

Dahil dito, posibleng magpadala ng kinatawan ang FIBA upang siyang mamagitan sa grupo nina Puyat at Literal ngayong Agosto 31.

Show comments