Nagbida si Pep Moore nang kumana ito ng 19 puntos, 17 nito ay mula sa final half upang pamunuan ang Stags sa kanilang ikatlong panalo matapos ang 2 talo sa limang asignatura.
Kumana rin si Moore ng tatlong rebounds at limang assists upang ipalasap naman sa Red Lions ang kanilang ikaapat na kabiguan sa limang laro na siyang nagdala sa Mendiola-based cagers sa ilalim ng standings.
"Medyo nagkagulo pa rin, nawala ang focus nila. Sumabay kasi sa fastbreak ng kalaban. So I told them to step up on defense. Kahit papaano, bumawi naman. But heres still a lot to remedy," ani San Sebastian coach Turo Valenzona.
Naghabol ang Stags sa 70-71 pagkakalubog patungong 4:27 oras ng labanan nang magbaba ito ng 8-0 run upang agawin ang trangko sa 79-71, may 2:06 ang nalalabing oras sa laro.
Ngunit hindi pa rin sumuko ang Bedans at sinikap nina Ryan Erestain at Arnold Oliveros na muling iangat ang kanilang koponan sa pagkana ng 6-0 bomba ang siyang nagbaba sa bentahe ng Stags sa 2 puntos na lamang, 79-77, may 43 segundo na lamang ang oras.
Ngunit nagpasiklab naman si Roy Falcasantos nang kanyang hugutan ng foul si Alfred Casio na dahilan upang tumuntong siya sa freethrow line. At isang split shots nito ang naghatid sa Stags sa 80-77 kalamangan sa huling 25 segundo ng labanan.
Tinangka ng Bedans na itabla ang iskor, pero lumampas ang inbound pass ni Casio para kay Carlo Hudencial na siyang tumapos ng paghahabol ng Red Lions.
Isinelyo ni Paul Reguerra ang kanilang panalo sa pamamagitan ng split shots na kanyang hinugot mula sa foul ni Oliveros para sa final na iskor.
Nagbigay ng malaking tulong sina Mark Macapagal at Francis Nadela kay Moore makaraang tumapos ng tig-11 puntos, habang nagdagdag din si Christian Coronel ng 10 puntos.
Tumapos naman si Reguerra ng 8 puntos at 12 rebounds bukod pa ang 3 assists.
"Sana magtuloy-tuloy na ito upang muling magbalik ang aming winning form bilang five-peat titlist," pahayag pa ni Valenzona.
Dinuplika naman ng kanilang junior counterpart na Staglets ang tagumpay ng kanilang senior team makaraang payukurin ang Red Cubs, 76-70.
Ang panalong ito ng Staglets, ikalima sa ganoon ding dami ng laro ang nagpatatag ng kanilang kapit sa solong liderato sa first round.