Kapwa nag-iingat ng 1-1 panalo-talo karta, nakatakdang maghiwalay ng landas ang Green Archers at Growling Tigers sa alas-5 ng hapon bilang main game matapos ang banatan sa pagitan ng University of the East at ng Adamson Falcons sa alas-2:30.
Inaasahan na maging mahigpitan ang sagupaan ng Espanya-based dribblers at ng Taftbased squad na kapwa naghahangad na makasalo sa pansamantalang pamumuno sa pahinga ngayong Far Eastern U, Ateneo de Manila at National U na pawang nag-iingat ng 2-1 panalo-talo karta.
Sa labang ito, siguradong nasa panig ng Growling Tigers ang momentum sanhi ng kanilang 66-54 panalo kontra sa Falcons noong Lunes, pero di rin nakakasiguro ang four-peat titlist dahil hangad naman ng Archers na makabawi mula sa kanilang 79-58 pagkatalo na siya nilang pinakamasamang record sa nakalipas na limang season.
Upang makaganti sa kanilang nakaraang talo, siguradong hahataw ng husto si Ren Ren Ritualo na naging miserable ang kanyang shooting sa huling laban upang pamunuan ang kanyang koponan sa tagumpay.
Kailangan ng UST na gumawa ng eksplosibong depensa upang pigilan ang malalaking tao ng Archers na sina Manuel Ramos, Willy Wilson, Mike Cortez at Adonis Sta. Maria at ito ay nakasalalay sa mga balikat nina Alwyn Espiritu, Rene de Guzman at Marc Manninga.
"Kapag malalaki ang kalaban, doon ko ramdam na ramdam ang pagkawala nina Marvin (Ortiguerra) at Edfrendel (Lao)," pahayag ng guro ng UST na si Aric del Rosario.
Ang aksiyon ay bubuksan ng UE Pages at Adamson Baby Falcons sa alas-10:30 ng umaga, bago isusunod ang paghaharap ng La Salle Bengals at UST Tiger Cubs sa alas-12:30 ng tanghali. (Ulat ni Maribeth Repizo)