PBA All-Star Games: Slam Dunk King ang 5'10" na si Mente

Hindi makagawa ng eksena si Joey Mente dahil sa kanyang kulang na playing time sa koponan ng San Miguel Beer pero sa PBA All-Star games kahapon, ang limelight ay sinolo nito.

Tinanghal na bagong slam dunk king si Mente nang mapabilib nito hindi lamang ang mga hurado kundi pati na rin ang mga fans na dumumog sa Araneta Coliseum kagabi para manood ng All-Star games.

Nagpamalas ng mga eksplosibong slam dunks si Mente, nahugot ng San Miguel mula sa Iloilo Volts sa MBA, gamit ang kaliwang kamay kung saan ang kanyang idinakdak sa finals ay nagbigay sa kanya ng perfect score.

Isinalaksak ni Mente ang bola na hindi man lamang nasagi ang kasamahang si Olsen Racela na nakayuko nang lundagan niya ito na naging dahilan upang bigyan ito ng mga hurado ng perfect score na 10 puntos sa final round.

Na-pressure si rookie John Arigo ng Alaska Aces na siyang huling titira makaraang magmintis si Davonn Harp ng Batang Red Bull sa kanyang attempt.

Ngunit ang windmill dunk ni Arigo ay hindi kasing impresibo ng kay Mente kaya’t nakakuha ito ng tatlong 9 puntos at dalawang 10-points mula sa mga hurado.

"Matagal ko nang ginagawa ‘yon (mga dunks). Nasa elementary pa lang ako nagda-dunk na ako," ani Mente na may five-foot-10 lamang ang taas at nakakapaglaro lamang kapag ipinapahinga ang mga kapwa guwardiyang sina Racela at Boybits Victoria.

Naidepensa naman ni Boyet Fernandez ng Purefoods TJ Hotdogs ang kanyang titulo bilang three point king nang kanyang talunin si Victor Pablo ng Mobiline Phone Pals, 13-5.

Matapos magmintis ang mga kalaban sa final round, nakopo naman ni Jayjay Helterbrand ng Barangay Ginebra ang titulo sa buzzer beater competition.

Ang kampeon naman ng 2-ball competition ay sina Jun Limpot at Bal David ng Barangay Ginebra matapos igupo ang mga defending champions na Mobiline Phone Pals na sina Pablo at Gherome Ejercito, 63-53.

Pumukaw ng pansin si Alex Crisano sa slam dunk contest sa kanyang eksplosibong windmill dunk sa unang round, ngunit nabigong pumasok sa finals nang tumalbog lamang ang bola sa kanyang dalawang attempts na dumakdak kasunod ang kakamping si Mark Caguioa na nagbigay ng assists at yumuko sa harap ng goal.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang mga beterano at ang mga Rookie-Juniors-Sophomore bilang main game.

Show comments