Kapit sa Magic 5 pahihigpitin ng Laguna

Tangka ng Fedex Laguna na mapahigpit ang kanilang kapit sa huling slot ng Magic 5 sa kanilang pakikipagtipan sa defending champion San Juan ngayon sa 1st phase ng MBA na dadako sa San Luis Sports Complex sa Sta. Cruz, Laguna.

Nakapasok ang Lakers sa ikalimang puwesto ng Magic 5 makaraang igupo ang Nueva Ecija, 112-91 noong nakaraang Miyerkules sa Cabanatuan City na nagkaloob sa kanila ng 4-5 win-loss slate.

Kailangan ng Lakers ng ibayong opensa kung nais nilang di matibag sa kanilang kinalalagyan sa pang-alas-5:30 ng hapong salpukan nila ng Knights na nag-iingat naman ng 7-3 karta.

Siguradong mainit na bakbakan ang masisilayan sa pagitan ng dalawang koponan kung saan kapwa sila may solidong frontline at eksplosibong depensa.

Aasahan ng Knights ang balikat nina Rafi Reavis at Omanzie Rodriguez na tatapatan naman ni Jeffrey Flowers sa shaded area, habang magpapasiklaban sina Chris Clay at Chris Calaguio at Brixce Dacia sa perimeter.

Samantala, ibig naman ng Batangas na mapalawig ang kanilang winningstreak sa apat na panalo sa kanilang paghaharap ng Davao Eagles sa alas-3.

Kailangan ng Eagles (2-7) na maipanalo ang apat sa limang laro kasama ang laban ngayon upang manatiling nasa kontensiyon.

Show comments