Patuloy na iniaangat nina Efren "Bata" Reyes, Leonardo "Dodong" Andam at Antonio Lining ang bandera ng Pilipinas nang maligtasan ang mga upset at makapasok sa round of 32.
Ang tagumpay ng tatlong nabanggit ay nabahiran ng lungkot matapos na masibak ang 1998 world 9-ball champion Francisco "Django" Bustamante, gayundin si Ramil Gallego sa mahigpitang sagupaan.
Nabigo si Bustamante na masustinihan ang kanyang pananalasa nang yumukod kay Tony Drago ng Malta sa iskor na 6-9, habang hindi naman nakayanan ni Gallego ang mahigpit na hamong ibinigay ng five-time US champion at mahigpit na paboritong si Earl "The Pearl" Strickland sa huling frame at masilat siya sa isang puntos lamang, 9-8.
Magaang na kinana ni Reyes, 1999 world champion ang kanyang panalo vs Tiong Boon Tan ng Singapore, habang ginapi naman ni Andam ang Australyanong si Johl Younger, na natatanging manlalaro na tumalo kay Reyes sa elimination round.
Naglabas naman ng mahusay na tira si Lining, nanalo sa nakaraang taong Japan Open upang tapatan ang tikas ng Hapon na si Hisashi Yamamoto, 9-8.
Mula sa 2-8 pagkakalubog, nagawang umahon ni Bustamante nang kanyang walisin ang apat na racks upang makalapit sa 6-8, ngunit kinapos ito sa sumunod na games na sinamantala naman ni Drago upang tuluyan ng kitilin ang pag-asa ng Filipino na makausad pa sa susunod na round.
Ang tanging pinakamalaking upset na naitala sa araw na ito ay ang pagkasibak ng defending champion Fong Pang Chao ng Chinese-Taipei na yumuko kay Anthony Ginn ng Britain sa iskor na 9-8.
Ang iba pang natalo sa race-to- 9 ay kinabibilangan nina Israel Paez ng Mexico, runner-up noong nakaraang taon na ginapi ng Swiss world Junior champion Dimitri Jungo, 7-9, Corey Duel ng Amerika, semifinalist noong nakaraang taon na yumukod kay Mika Immonen ng Finland, 9-3 at Kim Davenport ng Amerika na natalo naman kay Ralph Eckert ng Germany, 8-9.
Sisikapin ngayon ng tatlong Filipinong nalalabi na patuloy na isalba ang kampanya ng bansa kung saan makakaharap ni Reyes si Niels Feijen ng Netherlands; habang makikipagtumbukan naman si Andam kay Satoshi Kawabata ng Japan at magtitipan sina Lining at Oliver Ortman ng Germany sa isa pang race to 9 match. (Ulat ni Maribeth Repizo)