Purefoods ang number 2 sa PBA Commissioner's Cup

Napasakamay ng Purefoods TJ Hotdogs ang No. 2 slot nang kanilang igupo ang Batang Red Bull sa pagsasara ng elimination round kagabi ng PBA Commissioner’s Cup sa PhilSportsArena.

Bagamat kapwa nagtapos ang TJ Hotdogs at Red Bull Thunder na tabla sa 6-3 win-loss slate, sinegundahan ng Purefoods ang No. 1 na defending champion San Miguel Beer na may 7-2 kartada, dahil sa kanilang mas mataas na quotient.

Matapos lumayo ang TJ Hotdogs sa huling bahagi ng ikalawang quarter, hindi na nakaporma pa ang Red Bull at nagawa pang umabante ng 16 puntos sa ikaapat na quarter na pumutol sa four-game winning streak ng Thunder.

Nagbida si Richard Yee sa larong ito nang umiskor ito ng 8 puntos sa kanyang tinapos na 23 at makipagtulungan kay Rey Evangelista sa 13-2 run upang ibandera ang 83-67 kalamangan, 2:41 ang oras sa laro.

Bagamat binuksan ng Red Bull ang labanan sa 8 puntos na kalamangan, tinapos naman ng Purefoods ang first half na taglay ang 47-37 bentahe nang pagtulungan nina import David Wood at EJ Feihl ang 9-2 run.

Naging mainit si Willie Miller sa kaagahan ng labanan nang kanyang ihatid ang Red Bull Thunder sa 21-13 pangunguna ngunit ang pinagsamang puwersa nina Richard Yee at Wood ang nag-angat ng iskor sa 28-25 sa ikalawang quarter.

Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Sta. Lucia Realty at Mobiline Phone Pals na naghahangad makapasok sa quarterfinal round na di na kailangan pang dumaan sa playoff.

Sakaling mabigo ang Mobiline, magkakaroon ng four-way tie sa 3-6 record na magiging dahilan ng double playoff kung saan ang mga mananalo ay siyang ookupa ng huling dalawang slot sa eight-team quarterfinal round.

Kung aalatin ang Phone Pals ay makakatabla nito ang Pop Cola, Shell Velocity at Tanduay Gold Rhum kung saan ang Panthers ang may pinakamataas na quotient kasunod ang Mobiline, Turbo Chargers at kulelat ang Rhummasters.

Kung magkakaroon ng double playoff ay gaganapin ito bukas sa Cuneta Astrodome kung saan maglalaban ang Pop Cola at Tanduay gayundin ang Phone Pals at Shell.

Humakot si Lang ng 17 puntos para mamuno sa Thunder.

Purefoods 85--Yee 23, Wood 17, Patrimonio 15, Evangelista 9, Fernandez 9, Feihl 6, Yap 4, Castillo 2, Victoria 0, Escobar 0, Guerrero 0, Magsanoc 0.

Red Bull 75--Lang 17, Miller 14, Harp 13, Raymundo 6, Pennisi 6, Tugade 4, Briones 2, Agustin 2, Valenzuela 0.

Quarterscores: 19-23; 43-37; 65-58; 85-75.

Show comments