PBA Commissioner's Cup; Mobiline umaasam ng panalo

Ito ang huling araw ng eliminations ng PBA Commissioner’s Cup sa pagtatapos ng dalawang laro ngayon, malalaman ang katayuan ng 10-koponang kalahok patungo sa quarterfinal phase.

Nakataya ang No. 2 slot sa engkuwentro ng Batang Red Bull at Purefoods TJ Hotdogs sa pambungad na laban sa PhilSports Arena sa ganap na alas-5:15 ng hapon.

Bagamat no-bearing sa Sta. Lucia Realty ang panalo ay napakaim-portante naman ito para sa Mobiline Phone Pals sa kanilang alas-7:30 ng gabing sagupaan.

Ang Red Bull Thunder (6-2) at Purefoods (5-3) ay nakakasiguro ng bentaheng twice-to-beat sa quarterfinals na ipinagkakaloob sa top-four teams na kinabibilangan ng defending champion San Miguel Beer (7-2) at Alaska Aces na parehong di na matitinag sa No. 1 at No. 4 slot, ayon sa pagkakasunod.

Awtomatikong pagpasok sa quarterfinals ang biyaya ng panalo ng Phone Pals na may 3-5 record, ngunit kung mamalasin ang Mobiline ay makikigulo ito sa playoff.

Ang Tanduay Gold Rhum, Pop Cola Panthers at Shell Velocity ay pare-parehong nagtapos ng 3-6 record at kung aalatin ang Phone Pals ay hahantong ito sa double playoff.

Kahit pa manalo ang Realtors na magiging dahilan ng kanilang paki-kipagtabla sa ikaapat na puwesto sa Alaska sa 5-4 record, gayundin ang TJ Hotdogs kung ito’y mabibigo, wala itong habol sa top-four dahil sa kanilang mababang quotient.

Sa engkuwentrong Phone Pals at Realtors, nakataya ang No. 5 slot. Kung mananalo ang Mobiline na dahilan ng three-way tie sa 4-5 record, ang Phone Pals ang may pinakamataas na quotient.

Sa madaling sabi, ang mananalo sa ikalawang laro ay makakalaban ng Aces sa quarterfinals dahil ang No. 1 ay haharap sa No. 8; No. 2 vs No. 7; No. 3 kontra No. 6 at No. 4 vs No. 5.

Kung magkakaroon ng double playoff sanhi ng 4-way-tie sa 3-6, pagbabasehan ang quotient para sa pairings kung saan ang No. 1 ay haharap sa No. 4 at No. 2 vs No. 3 ang dalawang mananalo ay uusad sa susunod na round.

Ang Pop Cola ay may pinakamataas na quotient habang ang Rhum-masters naman ang pinakamababa.

Sa three way tie, ang Panthers ay maghihintay ng kanilang kakalabanin sinuman ang mananalo sa Shell na nakahabol ng playoff at Tanduay. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments