Unang tinalo ni Andam, tinaguriang The Rattlesnake" ang kalabang si Dee Adkins ng Amerika sa iskor na 5-1, bago niyanig ang top seed na si Paul Potier ng Canada sa pa-reho ring iskor na naghatid sa Pinoy cue artist na hawakan ang pangunguna sa kanyang grupo.
Dahil sa panalo ni Andam, siya na ngayon ang may hawak ng lide-rato sa Group 16 matapos ang 5-0 record para sa nalikom na 10 puntos.
Ngunit ang panalong ito ni Andam ay nabahiran ng lungkot nang malasap ni Efren Bata Reyes ang kanyang kauna-unahang pagkatalo sa mga kamay John Horsfall ng Canada sa iskor na 5-2.
Bagamat natalo sa kanyang laban, nananatiling hawak pa rin ni Reyes, kampeon noong 1999 dito ang pangunguna sa Group 8 bunga ng 5-1 record na may 10 puntos rin at isang puntos naman na agwat sa pumapangalawang si Horsfall na natalo sa kanyang ikalawang laban kontra Hishashi Yamamoto ng Japan sa iskor na 5-2.
Isang malaking sorpresa rin ang naitala ni Tony Drago ng Malta nang kanyang malusutan ang mahigpit na labang ibinigay ng paboritong si Earl Strickland, five time world champion sa iskor na 5-4.
Sina Andam, Reyes at Strickland ay ilan lamang sa mga manlalarong nakausad sa round of 64 knockout stage 9-ball tournament.
Matapos ang di magandang panimula, siniguro ni Francisco Django Bustamante na maiahon ang kanyang katayuan at nagawa niya ito nang kanyang igupo si Manuel Chau ng Peru, 5-2 upang ipuwersa ang pakikitabla sa liderato sa Group 13 bunga ng kanyang 4-1 record at 8 puntos na nalikom.
Nakahabol rin si Ramil Gallego sa susunod na round nang kanyang tumbukin ang dalawang panalo na kinabibilangan ng 5-4 iskor kontra Fabio Luersen ng Brazil bago isinunod na biktima si Apostolis Alexandris ng Greece na naglagay sa kanya para okupahan ang ikatlong slot sa Group 1.
Nananatili pa rin ang beteranong si Rodolfo Luat sa kontensiyon nang kanyang kanain ang tatlong sunod na panalo kung saan natalo ang una niyang dalawang laban.
Tinalo ni Luat si Sin Young Park ng South Korea, 5-2, bago naungusan ang Amerikanong si Bill Stephen, 5-4 para iposte ang 3-2 karta at maipuwersa rin ang three-way tie para sa No. 2 spot sa Group 6.
Nakahugot pa rin ng pag-asa si Antonio Lining nang kanyang itala ang 3-2 record.
Tanging si Warren Kiamco ang napatalsik sa koponan matapos na makalikom lamang ng apat na puntos sa Group 7 kung saan sa limang laro, tatlo ang kanyang nalasap na talo.
Ang top four sa bawat grupo ng 16 koponan ang siyang magku-qualify sa ikalawang round na may premyong $65,000.