Sa wakas ay nagpakitang gilas na rin si Wingfield na sinasabing hindi sapat na kapalit ni Juaquin Hawkins matapos nitong pangunahan ang Turbo Chargers sa kanilang dalawang sunod na panalo.
Dahil dito, ang Shell ay nakasiguro ng playoff para sa ikawalo at huling slot sa quarterfinal round.
"I think he has started to show what he can do. I wish that he could have shown this earlier but what can we do. At least, he has given us a chance," ani Shell coach Perry Ronquillo.
Bago man lamang ito umuwi sa States, nais niyang bigyan ng pagkakataon ang Shell. Bukod pa rito ay may mabibitbit itong karangalan.
Si Wingfield ay napiling Best Player of the Week para sa linggong July 9-15 matapos nitong pangunahan ang Shell sa kanilang back-to-back panalo na naging dahilan upang manatili sa kontensiyon ang Turbo Chargers.
"We got what we wanted, which is to put our fate in our hands. Now, we have to make the most out of it," wika ni Ronquillo.
Sa larong ito na naging dahilan upang makuha nito ang karamihan sa boto ng PBA Press Corps, umiskor ito ng kalahati sa kanyang 25 puntos na produksiyon sa ikatlong quarter nang kanilang bigyan ng mahigpit na hamon ang Barangay Ginebra.
Sa kanilang 85-72 panalo, nagtala rin ito ng 12-rebounds, isa lamang ang mintis sa kanyang walong attempt sa stripe upang sapawan si Jerald Honeycutt na tumapos ng 15-puntos at 18 rebounds.
Matapos ipanalo ang unang laro sa kumperensiyang ito, anim na sunod na kabiguan ang nalasap ng Turbo Chargers kabilang ang dalawang laro nang pinalitan ni Wingfield si Hawkins.