Sa NCAA Basketball Tournament,Cardinals nakabangon

Isang mala-moog na depensa ang inilabas ng Mapua sa huling maiinit na bahagi ng labanan upang itakas ang 70-60 panalo kontra sa San Sebastian College kahapon sa pagpapatuloy ng 77th National Collegiate Athletic Association basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.

Ang panalong ito ng Cardinals ang naghatid sa kanila sa win column matapos na matalo ng dalawang sunod, habang ito naman ang ikala-wang talo ng five-peat titlist Stags sa kanilang tatlong asignatura.

Sumandig ang Intramuros-based dribblers sa husay ni dating junior NCAA MVP Edsel Feliciano nang kumana ito ng 22 puntos, bukod pa ang anim na rebounds at tatlong steal upang dalhin ang Cardinals sa panalo kung saan nakakuha rin siya ng malaking suporta mula kina Jeffrey Martin na tumapos ng 19 puntos, 5 rebounds at 5-assists at Steve Marucot na nagtala ng 13 puntos.

"Medyo nag-aadjust pa lamang sila sa system, I only came in three months before the tournament. Somehow, everything’s starting to get into place," pahayag ni coach Horacio Lim.

Nakauna ang Morayta-based cagers nang kanilang itala ang 26-20 kalamangan, may 6:19 ang nalalabi sa second quarter.

Ngunit agad ding sumagot si Martin ng tres na sinundan ng apat na dikit na basket ni Feliciano, kasunod ang pagtikada ng split shot at lay-up ni Marucot upang pagtulungang ibaba ang 14-2 bomba na dahilan upang maagaw ang pangunguna sa Stags sa 34-28 sa pagtiklop ng halftime.

Mula dito, hindi na nagawa pang bumangon ng Stags at lumayo pa ito ng maraming beses sa 16 puntos na ang huli ay sa 64-48, may 3:59 ang nalalabi sa laro.

Sinikap ng San Sebastian na umahon sa kanilang kinalulubugan, ngunit tanging oposisyon na kanilang nagawa ay ang makalapit sa 60-66. 1:34 na lamang ang oras sa laro.

Samantala, ibinawi naman ng kanilang junior counterpart ang naging kabiguan ng kanilang seniors team nang kanilang silatin ang defending champion Red Robins, 69-72 sa overtime. (Ulat ni Maribeth Repizo)

Show comments