NCAA players hindi na puwedeng maglaro sa PBL

Hangga’t hindi nagbabago ang desisyon ng Games and Amusement Board na ang Philippine Basketball League ay isang professional league, hindi pahihintulutan ng National Collegiate Athletics Association na maglaro ang kanilang players sa naturang liga.

Ito ang pahayag kahapon ni Fr. Edgardo Alaurin ng NCAA policy and management board sa ginanap na press-conference ng NCAA sa Green Planet kahapon sa Makati City para sa paglulunsad ng pagbubukas ng ika-77th season sa Araneta Coliseum sa Sabado.

"After the Games and Amusement Board decide that the PBL is a professional league. We are refraining them from playing in the PBL," ani Alaurin. "This will be implemented until the GAB reverse it’s decision."

Bagamat may ilang players ang NCAA na nananatiling may kontrata sa iba’t ibang koponan, sinabi ni Alaurin na oobligahin nilang mamili ang mga ito kung kanilang paglilingkuran ang kanilang mga eskuwelahan o manatili sa bakuran ng PBL.

"We will have to make them (players) chose between the school and the PBL," pahayag pa ni Alaurin na isa sa mga opisyal ng NCAA na dumalo sa presscon na kinabibilangan nina NCAA president at PCU president Dr. Oscar Suarez.

Tulad ng NCAA, nakatakda ring suspindihin ng University Athletics Association of the Philippine ang kanilang Memorandum of Agreement sa PBL kung hindi papaboran ng Malacañang ang pakiusap ng PBL na baligtarin ang desisyon ng GAB.

Sinabi naman ni Henry Atayde ng defending champion College of St. Benilde na walang susulpot na Temporary Restraining Order para pigilin ang pagbubukas ng 2001 season ng NCAA at ayon dito, nananatiling nasa korte ang kaso ukol kay Jay Lapinid na tinanggal sa roster ng St. Benilde dahil sa paglabag nito sa eligibility rule.

Dinala sa korte ni Lapinid ang kanyang kaso hindi para kumuha ng TRO kundi para bawiin ng Blazers ang kanilang pagsibak sa player sa kanilang roster sa kadahilanang lumaro ito sa PBL bagamat nasa ikalawang taon pa lamang nito sa tatlong taong residency na alituntunin ng NCAA bago makalaro ang isang player sa isang liga.

"There is no TRO but the case is still in court," ani Atayde."He’s (Lapinid) been contesting that he already played for three year including his season when we were in the NCRAA. Kailangan kasi three consecutive years sa NCAA.

Walong koponan ang maglalaban-laban para sa titulo at malakas ang tsansa ng St. Benilde para sa kanilang back-to-back title ngunit may banta ang five-peat titlist San Sebastian dahil sa kanilang bagong recruit na si Pep Moorer, isang Kano na 6’7 slotman.

Show comments