Nabigo sa pagkuha ng gold sa long jump event, nagbalik si Bulauitan sa Thong Nhiat stadium at magaang na winalis ang nakatayang ginto sa 100-meter sa tiyempong 11.61 segundo upang koronahan ang kanyang sarili bilang "sprint queen."
"I could have better my best time 11.6 if the opposition was tough," ani ng 27 anyos na sprinter mula sa Cagayan na iniwan ang kanyang mga kalaban mula sa umpisa pa lamang ng labanan.
Napasakamay ng local bets na si Hoang Lan Anh ang silver sa oras na 11.75, habang ang Vietnamese na si Vo Thi Ngoo Hanh ang nagbulsa ng bronze sa tiyempong 11.83.
Ang mahusay na performance ni Bulauitan sa century dash ang nagpasimula ng mainit na kampanya ng Philippines sa six-lane vintage track nang magsipag-umit ng ginto sina Ernie Candelario, Joebert Delicano, Geralyn Amandoron, Dandy Gallenero at John Lozada na nanalo sa kani-kanilang events.
Humatak si Candelario ng 46.83 segundo upang dominahin ang 400m, habang tinalon ni Delicano ang ginto sa long jump sa itinalang 7.34 metro.
Bumato si Amandoron ng 46.34 metro para pagharian ang javelin throw, nagwagi naman si Gallenero sa men’s javelin sa kanyang kinanang 63.27 metro at kinumpleto ni Lozada ang pananalasa ng bansa sa kanyang pagwawagi sa 800-m sa oras na 1:50.87.