Ito ang napag-alaman kay PSC Commissioner Ricardo Garcia kahapon at sinabi nitong ang kanilang planong ipad-lock ang tanggapan ng BAP na matatagpuan sa ikalawang palapag ng administration building ng PSC, ay base na rin sa naging desisyon ng FIBA.
"The FIBA has spoken so we have no choice but to padlock the office. Obviously, we cannot allow them to use our facilities at our expense," pahayag ni Garcia kahapon.
Inookupahan ng grupo ni Tiny Literal, ang presidenteng nahalal ng mga nag-rerebeldeng Board Members, ang nasabing opisina sa pahintulot ng PSC para sa paghahanda ng BAP para sa Asian Universities Championship.
Nauna nang ipinabakante ng PSC ang BAP office base sa rekomendasyon ng Office of the Government Corporate counsel hangga’t di naaayos ang gusot sa pagitan ni Literal at ni Gonzalo "Lito" Puyat na siyang kinikilala ng Philippine Olympic Committee.
Ngunit pinayagang okupahan ito ng grupo ni Literal para sa kanilang preparasyon hanggang sa June 30.
Tutol naman si Literal sa aksiyong ito ng PSC. "They will have to pass through a phalanx of athlete. Eh saan na magre-report ang athletes kung ma-padlock yung office?" ani Literal.
Nakatakdang magpulong sina Literal, Puyat kasama sina PSC Chairman Carlos Tuason at POC president Celso Dayrit upang maisalba ang BAP lalo na’t nalalapit na ang Southeast Asian Games.
Samantala, tila mas mapapadali ang pagresolba sa gulong nagaganap sa BAP makaraang pumayag ang businessman-sportsman na si Manuel V. Pangilinan na maging arbiter sa gulong ito. (Ulat ni Carmela Ochoa)