Sa PBA Commissioner's Cup: Red Bull sumingasing

Bagamat ilang beses na umabante ang Batang Red Bull, sa fourth quarter lamang ito tuluyang kumawala tungo sa kanilang 94-82 panalo kontra sa Shell Velocity sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Nagtulong-tulong sina Raymundo, Lang at Harp sa unang bahagi ng labanan upang umabante ng 16 puntos ang Red Bull, 33-17 sa bungad ng ikalawang quarter.

Ngunit agad naman itong pinulbos ng Shell sa pangunguna nina Wainwright, Hrabak at del Rosario na gumawa ng 25-9 run upang itabla ang iskor sa 42-all.

Sa tulong ni Harp na umiskor ng dalawang sunod na basket, isinelyo ng Thunder ang first half na taglay ang 46-44 kalamangan.

Napaganda ng Red Bull ang kanilang record sa 3-2 panalo-talo matapos ipalasap sa Turbo Chargers ang kanilang ikaapat na sunod na kabiguan sa 5-laro na dumiskaril sa debut ng bagong import na si Tremain Wingfield.

Impresibong laro ang ipinamalas nina Davonn Harp at Kerby Raymundo na nagsosyo sa Best Player of the Game award sa kanilang 20 puntos, 11 rebounds at 5 assists at 18 puntos, 7 rebounds at 4 assists na performance, ayon sa pagkakasunod.

Umabante na nang 16 puntos ang Red Bull sa first half ngunit nagawang ubusin ito ng Shell bago muling lumayo ang Thunder sa 53-46 matapos ang 7-0 run na pinangunahan ni Harp tungo sa 53-46 bentahe.

Ngunit isang 12-6 run ang pinakawalan ng Turbo Chargers upang makalapit sa 58-59 na napigilan ng Red Bull nang kanilang iselyo ang third quarter na taglay ang 70-62 bentahe.

Tumapos si import Antonio Lang na may 19 puntos habang si Wing-field na pumalit kay Juaquin Hawkins ay nagtala naman ng 16 puntos para sa Shell.

Samantala, habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglala-ban ang Alaska Aces at Tanduay Gold Rhum bilang main game.(Carmela Ochoa)

Show comments