Katatagan ng SMB delikado vs Mobiline

Katatagan sa ikalawang puwesto ang tangka ngayon ng defending champion San Miguel Beer kontra sa Mobiline Phone Pals sa pag-usad ng eliminations ng PBA Commissioners Cup sa PhilSports Arena.

May kahirapan ang layuning ito ng San Miguel dahil isang matibay na pader ang kanilang babanggain dahil nasa kampo na ng Phone Pals ang pinaka-agresibong import ngayon sa katauhan ni Jerod Ward.

Si Ward ang pinaka-impresibong import ngayon na may average na 51.5 puntos sa huling tatlong laro ng Mobiline. Pinaka-mababang produksiyon nito ay 48 puntos at ang pinakamataas ay 61 puntos sa kanyang debut game.

Kaya naman ang tanging paraan para maisakatuparan ng San Miguel ang kanilang layunin sa pang-alas-7:30 ng gabing sagupaan ay ang malimitahan siya sa PhilSports Arena.

Ito ang kinakailangang trabahuhin ngayon nina import Nate Johnson, Danny Ildefonso, Danny Seigle at iba pa upang mailista ang kanilang ikaapat na panalo na magpapahigpit ng kani-lang kapit sa ikalawang puwesto.

Ang Beermen ay kasalukuyang may 3-1 record sa likod ng 4-0 kartada ng league-leader na Alaska Aces kasunod ang Mobiline na di nalalayo sa hawak na 2-1 record.

Sakaling manalo ang Phone Pals, ngayon ay maaagaw nito ang no. 2 spot sa Beermen at papalit ang San Miguel sa kanilang kasalukuyang kinalalagyang third place.

Sa pambungad na laban, magsasagupa naman ang Purefoods T.J. Hotdogs at Pop Cola sa ganap na alas 5:15 ng hapon kung saan magku-krus ang landas nina David Wood ng Hotdogs at Jason Sasser ng Panthers.

Samantala, inaasahang dumating na kahapon ang bagong import ng Sta. Lucia na si Damian Owen para pumalit sa injured na si import Ansu Sesay.

Show comments