At sa pagsapit ng alas-5:30 ng hapon, sisiguruhin ng tropa ni coach Junel Baculi na tuluyan ng itiklop ang kanilang best-of-seven titular showdown ng Power Boosters sa muli nilang paghaharap sa Game Four ng Alaxan-PBL Chairman’s Cup sa Makati Coliseum.
Sa pagkakataong ito, kailangan na lamang ng House Paints na maipanalo ang kanilang laro upang ganap ng maipinta ang kanilang paghihiganti sa pamamagitan ng pagbulsa ng korona via sweep.
Lumapit ang Welcoat sa titulo makaraang igupo sa ikatlong pagkakataon ang Shark, 73-65 noong Martes ng gabi para sa bentaheng 3-0 sa serye.
Bagamat batid ng Shark na napakahirap ng kanilang katayuan, dahil wala pang koponan na nakakabalik mula sa 0-3 pagkakalubog sa serye, pipilitin pa rin nilang gumawa ng matinding oposisyon upang pigilan ang pagbagsak ng confetti at lobo sa hanay ng House Paints.
At kung magagawa nga ito ng Shark, muling magbabalik ang kumpiyansa ng koponan na puwede nilang ulitin ang nakaraang kasaysayan.
Matatandaan na sa Challenge Cup noong nakaraang taon, nakalubog ang Shark mula sa 0-2, ngunit nagawa nilang makabangon at maitakas ang korona.
"Despite making it 3-0, hindi pa namin masasabing sa amin na. Shark is also a champion team. We don’t want to put Shark down. And Shark has lots of surprises," ani Baculi.
"Mas masakit din sigurong matalo after a 3-0 lead.
At gaya ng dati, muling aasahan ng Welcoat ang mga balikat nina Jojo Manalo, Ren Ren Ritualo, Yancy de Ocampo at iba pa para isulong ang House Paints.
Samantala, bibigyan naman ng parangal ng PBL ang mga mahuhusay na manlalaro ng liga sa alas-4 ng hapon.
Ang mga igagawad na individual awards ay ang Most Valuable Player at ang Mythical Team, Mythical Five at bibigyan naman ng parangal ng PBL Press Corps ang papaalis ng coach ng Giv Soap na si Nat Canson bunga ng kanyang mga naibahagi sa liga sa nakalipas na 36 taon. (Ulat ni Maribeth Repizo)