At sa pagkakataong ito, mas higit pang uminit ang rivalry ng defending champion Welcoat at ang kalabang Shark para sa korona ng 2001 AlaxanPBL Chairman’s Cup sa pagbubukas ng kanilang best-of-seven championship series sa Makati Coliseum.
Matatandaan na ito ang ikatlong pagkakataon na magtitipan ang dalawang pinakamahusay na koponan sa PBL sa titulo simula noong nakaraang taon.
Siguradong umaatikabong aksiyon ang masisilayan ng mga basketball aficionados sa dahilang ibig ng Welcoat na maghilom ang sugat na iniwan sa kanila ng Shark ng huli silang magtagpo sa Challenge Cup makaraang itiklop ng huli ang best-of-seven series sa 4-3.
Inaasahang walang sasayanging sandali ang House Paints para sa kanilang misyon at siguradong buo ang kumpiyansa ng tropa ni coach Junel Baculi na paparada sa playing area sa bandang alas-5:30 ng hapong sultada.
Ito ang ikatlong pagkakataon na maghaharap ang Shark at Welcoat sa titulo kung saan tabla lamang ang kanilang record sa 1-1 matapos na makauna ang House Paints sa PBL Chairman’s Cup, 4-3 noong nakaraang taon bago nakabawi naman ang Shark sa 4-3 rin sa Challenge Cup ng nakaraang kumperensiya.
Walang puwedeng itulak kabigin sa dalawang grupo na ito na kapwa galing sa impresibong panalo para ipuwersa ang kanilang title showdown.
Nakarating ang Shark sa unang final slot makaraang igupo ang Giv Soap sa triple overtime, 96-93 habang pinatalsik naman ng Welcoat ang Ana Freezers , 72-58 upang okupahan ang ikalawa at huling finals berth noong Martes ng gabi.
Nauna rito, maghaharap naman ang Ana at Giv sa best-of-three series para sa konsolasyong ikatlong posisyon sa alas-3:30 ng hapon.
Samantala, bilang ganti sa mga loyal fans ng PBL, inihayag ni PBL commissioner Chino Trinidad na mananatili ang presyo ng mga tickets para sa P30 sa lower box at P20 naman sa upper box.(Ulat ni Maribeth Repizo)