Ikalawang panalo tangkang iguhit ng Slashers vs Davao Eagles

Ikalawang panalo ang tatangkaing maiguhit ng Negros Slashers sa kanilang nakatakdang pakikipaglaban kontra sa Davao Eagles sa pagbabalik ng MBA First Phase na dadako naman sa Rizal Memorial College Gym sa Davao.

Nakatakda ang laro dakong alas-5:30 ng hapon sa balwarte ng Eagles matapos ang banatan sa pagitan ng Cebu Gems at Socsargen Marlins sa alas-3 ng hapon.

Inaasahang malakas ang morale boosts ng Slashers bunga ng kanilang 95-91 panalo noong Linggo kontra sa Cebuana Lhuillier Gems sa layunin nitong makisosyo sa pansamantalang liderato sa LBC Batangas Blades.

Bagamat di makakalaro si Cid White na pinatawan ng one-game suspension at multang P20,000 sanhi ng deliberate foul kay Matt Mitchell, angat pa rin sa opensa ang Slashers na siguradong babalikatin nina John Ferriols, Johnedel Cardel at Rueben dela Rosa.

Gayunman, ito ay kayang tapatan ng Eagles sa katauhan nina Ryan Bernardo at Rolly Manor, Bong Marata, Romy dela Rosa at Michael Manigo.

Show comments