Ikalawang panalo target ng Alaska at Sta. Lucia

Ikalawang sunod na panalo ang target ng Alaska Aces at Sta. Lucia Realty sa magkahiwalay na laban sa pag-usad ng eliminations ng PBA Commissioners Cup.

Makabawi sa kabiguan at makapasok naman sa win column ang layunin ng Tanduay Gold Rhum at Pop Cola Panthers.

Unang magsasagupa ang Rhummasters at Realtors sa pambungad na laban sa ganap na alas-5:15 ng hapon sa Phil-Sports Arena at agad isusunod ang engkuwentro ng Panthers at Aces sa dakong alas-7:30 ng gabi.

Kapwa sinimulan ng Alaska at Sta. Lucia ang kanilang kampanya sa kumperensiyang ito sa pamamagitan ng panalo sa kanilang debut game habang kabaligtaran naman ang naging kapalaran ng Tanduay at Pop Cola.

Ang buwenamanong panalo sa ikalawang kumperensiyang ito ay napasakamay ng Aces nang kanilang igupo ang Batang Red Bull, 84-81 sa kanilang out-of-town game sa Balanga, Bataan.

Ipinakita naman ni import Ansu Sesay na mayroon pa siyang ‘say’ nang kanyang pamunuan ang Realtors sa 95-86 panalo kontra sa Pop Cola noong Linggo sa Araneta Coliseum.

Muling sasandalan ng Alaska ang kanilang reinforcement na si Terrance Badgett sa kanilang layuning maduplika ang naitalang tagumpay.

Ngunit inaasahang doble kayod naman ang gagawin ni import Jason Sasser upang iahon ang Panthers sa kanilang nalasap na pagkatalo.

Inaasahang tatapatan naman ni import Kevin Freeman ang anumang hamong ibibigay ni Sesay sa Rhummasters sa kanilang engkuwentro.

Bukod sa Alaska at Sta. Lucia, nagsipagwagi din ang Shell Velocity, Mobiline Phone Pals at defending champion San Miguel Beer sa kanilang unang assignments sa kumperensiyang ito.

Tulad ng Panthers at Rhummasters, may 0-1 record din ang Red Bull Thunder, Barangay Ginebra at ang kanilang bagong sister company na Purefoods T.J. Hotdogs.

Bukod kay Badgett, naririyan sina Kenneth Duremdes, Rodney Santos, John Arigo, Don Allado at iba pa para sa Aces.

Sina Marlou Aquino at Dennis Espino naman ang makakatulong ni Sesay sa kanilang layuning igupo ang Tanduay. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments