Asinta ng Freezers Kings ang ikatlong finals appearance simula noong 1997 at nangangailangan lamang sila ng isang panalo upang maiselyo ang nakatayang isang slot sa finals sa kanilang pang-alas 5:30 ng hapong sultada.
Taliwas naman sa Paint Masters, nangangailangan ito ng dalawang panalo upang mapalawig pa ang kanilang tsansa na manatiling hawak ang korona.
Kapwa nagtataglay ang dalawang koponan ng 1-1 record kung saan unang namayani ang Welcoat, 75-66 sa elimination noong Mayo 12, bago nagbalik ang Ana sa pamamagitan ng 73-70 panalo sa quarterfinals noong Mayo 31.
Aasa sa mga balikat nina Rey Mendez, Dondon Mendoza, Paul Artadi, Roland Pascual at Ronald Tubid ang Ana upang masupil ang Paint Masters.
Pero siguradong may nakahanda ng panibagong game plan si coach Junel Baculi kontra sa Ana at muli tiyak na gagamitin ng Paint Masters ang kanilang bentahe sa taas upang pabagalin ang opensa ng kalaban.
Samantala, sisimulan ng Boysen-MLQU ang kanilang kampanya para sa ikalawang sunod na pagtapak sa finals sa kanilang pakikipaglaban ngayon sa University of Assumption-Goldilocks sa alas-3:30 ng hapon sa 1st Cristal Spring PYBL Title Cup.