Tampok ang engkuwentro ng Batang Red Bull at Alaska Aces sa pang-alas-4 ng hapong sagupaan sa People’s Center Gymnasium.
Sa larong ito, makakaliskisan ang dalawa sa 10 imports na magde-debut ngayon.
Ipaparada ng Aces ang kanilang 6-4 na reinforcement sa katauhan ni Terrence Badgett, ang 29-anyos na import buhat sa Nebraska.
Para sa Red Bull Thunder, naririyan naman ang kanilang ipinagmamalaking si Antonio Lang na isang tunay na beterano sa National Basketball Association.
Ang 6-6 na si Lang, 29-gulang ay galing sa Duke University at nakapaglaro sa koponan ng Miami, Phoenix, Toronto, Philadelphia at Cleveland. May karanasan din ito sa Continental Basketball Association, International Basketball League at sa American Basketball Association.
Kung pagbabasehan ang credentials ng kani-kanilang imports, llamado si Lang kontra sa di kilalang si Badgett.
Ngunit ang kanilang tunay na lakas at galing ay masusukat ngayon sa kanilang engkuwentro.
Makakatulong ni Lang sina Mike Penissi, Davon Harp, Kerby Raymundo, Jimwell Torion at iba pa para sa buwena manong panalo sa kum-perensiyang ito.
Sa kabilang dako, naririyan naman sina Kenneth Duremdes, rookie John Arigo, Rodney Santos at iba pa upang makaagapay ni Badgett.
Buhat sa Bataan, dadako naman ang aksiyon sa Araneta Coliseum kung saan may dalawang larong nakatakda bukas. (Ulat ni Carmela Ochoa)