Walang lumagpas sa itinakdang height limit na 6’8 ng PBA sa pitong baguhan at dalawang balik-imports na isasabak sa Commissioners Cup na magbubukas sa Sabado.
Walang naipadalang imports na susukatan ang Phone Pals matapos pauwiin si Shawn Simpsons. bagamat ilang araw nang kasama ng Mobiline sa ensayo si Simpsons ay hindi nasiyahan si coach Louie Alas sa kanyang performance.
Kabilang sa mga bagong salta ay sina Terrance Badgett ng Alaska Aces, Jason Sasser ng Pop Cola Panthers, Antonio Lang ng Batang Red Bull, Juaquin Hawkins ng Shell Velocity, Nate Johnson ng defending champion San Miguel Beer at Kevin Freeman ng Tanduay Gold.
Ang dalawang datihang sina Ansu Sesay ng Sta. Lucia Realty at ang puting import na si Ryan Fletcher ng Barangay Ginebra ang siyang pinakamataas sa mga imports.
Si Fletcher ay nasukatan ng PBA resident physician Ben Salud sa taas na 6’7 1/16 ngunit higit na mas mataas si Sesay sa kanyang height na 6’8 1/4.
Pinakamaliit ang reinforcement ng Turbo Chargers na si Hawkins na may taas na 6’4 at kasunod na nito sina Sasser na 6’4 1/2.
Matapos masukatan ng height, unang magsusukatan ng galing sina Lang at Badgett sa nakatakdang paghaharap ng Red Bull Thunder at Aces sa Sabado sa unang out-of-town game ng PBA, sa People’s Center sa Balanga, Bataan sa pagtatagpo ng Red Bull at Alaska.
Si Badgett ay may taas na 6’4 3/4 habang mas malaki naman si Lang sa kanyang taas na 6’6 7/8.