Tiyak na mahigpit ang laban na ito para sa Soap Masters at isang kabiguan ay mangangahulugang kailangan nilang talunin ang nagungunang team sa Group B para sa huling semifinals slot.
Umaasa rin si Canson na makakabawi sila mula sa 71-81 kabiguan laban sa Freezer Kings noong Abril 10 at kakailanganin nila na manalo sa huling dalawang laro upang manatili sa ikalawang puwesto at makamit ang twice-to-beat incentive sa semifinals.
Samantala, napakahalaga din ng panalo para sa Ana na makakaharap naman ang defending champion Welcoat Paints para sa kanilang huling laro.
Kung mananalo ang Giv ngayon at magtagumpay naman ang Ana laban sa Welcoat sa Huwebes ay magkakaroon ng three-way tie. At pag nag-kataon, dalawang playoffs ang lalaruin upang malaman ang quarterfinal placing ng Welcoat, Ana at Giv.
Sa iba pang laro, tatangkain ng PharmaQuick na manatili sa solong pangunguna sa Group B sa pakikipagharap nito sa Montana Pawnshop, alas 3:30 ng hapon.
Hawak ngayon ng Pharmacists ang 7-4 carta na naghihintay na lamang kung maga-gawang ma-sweep ng Hapee Toothpaste ang quarterfinal round. Kapag nagkaganoon, maglalaban ang Pharmacists at Teeth Sparklers para sa wild card entry na makakasagupa naman ng Group A No. 4 team para sa huling semifinals berth.
Sa kabilang banda, mag-aagawan naman sa liderato ang University of the Philippines-Waterfront at Regent Cheese Balls sa kanilang labanan ngayon sa pagpapa-tuloy ng quarterfinals ng 1st Crystal Spring-PYBL Title Cup.
Babanggain ng UP-Waterfront ang Univ. of Assumption-Goldilocks sa ganap na alas 12:30 ng hapon habang kakalabanin ng Regent ang defending champion Boysen-MLQU sa 10:45 ng umaga.
Balak naman ng Whiz Super Oil Treatment na ma-sweep ang quarterfinal round kontra sa National University, sa alas-9 ng umaga, na magbibigay daan upang makalaban nila ang top team sa Group B, kung saan ang mananalo ay haharap sa Group A No. 4 squad para sa huling semifinals seat. (Ulat ni Carol Fonceca)