Umaasa ang Pharmacists na mauulit ang kanilang 88-85 tagumpay laban sa Iridologists ganap na alas 5:30 ng hapon habang maghaharap naman ang Montana at Ateneo-Pioneer, alas 3:30 ng hapon.
Kakailanganin ng PharmaQuick na siguruhin ang panalo sa kanilang huling dalawang laban upang makuha ang liderato sa Group B at makakuha ng tsansa na makalaban ang No.4 team sa Group A para sa huling semifinal slot iyan ay kung walang anumang koponan sa Group B ang makaka-pagpatumba sa lahat ng kalaban nito sa quarterfinal matches.
Sa ngayon, tanging dalawang teams ang may tsansa na ma-sweep ang quarter-finals ang Hapee na nanga-ngailangan na lang ng isang panalo at ang Osaka Iridology.
Subalit, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Osaka na makakabangon makaraan ang 8 sunod na kabiguan. Maaari pa rin silang makapasok sa semifinals kung mapapataob nila ang lahat ng kalaban sa tatlong quarterfinal matches.
Samantala, tatangkain ng University of Assumption na makisosyo sa liderato na nasa kamay ng University of the Philippines-Waterfront sa kanilang pakikipagsagupa sa Spring Cooking Oil sa ganap na 10:45 ng umaga sa 1st Crystal Spring-PYBL Title Cup sa Makati Coliseum.
Sasandig si Blue Pelicans coach Alex Gonzales sa galing nina Roel Galura, John Rittis at Welihado Duyag na mga responsable sa pagdala sa kanilang team ng 4-1 record samantalang susubukan naman ng Spring na palakasin ang kanilang hawak na 3-2 karta.
Sa iba pang laro, patuloy na umaasa ang defending champion Boysen-MLQU na mapapasama sila sa Group A sa nalalapit na quarterfinals sa kanilang pakikipagharap sa isa pang kulelat na team, ang Gringo-Konica bandang alas 12:30 ng tanghali habang tiyak na mahigpit ang labanan ng Whiz Super Oil Treatment kontra sa National University sa alas 9:00 ng umaga. (Ulat ni Carol Fonceca)