Mukhang sigurado nang papasok muli sa Gin Kings ang Caucasian na nagbigay sa mga PBA fans ng ibang klaseng paglalaro noong isang taon sa pagbubukas ng PBA Commissioner’s Cup sa susunod na buwan.
Katabi ni Fletcher si Ginebra consultant Ron Jacobs noong Game Six ng PBA All-Filipino Cup sa best-of-seven Finals at kitang-kita niya ng pataubin ang Gin Kings ng San Miguel Beer, 95-85, hudyat ng pagtatapos ng championship series.
Nagsilbing rebounding monster para sa Gin Kings noong nakaraang taon ang 6’8 na si Fletcher subalit tila kinapos siya sa pagdadala ng dagdag na puntos para sa team, ito raw marahil ay dahil kagagaling niya lamang noon sa University of Cincinatti nang dumating sa PBA at ang tanging experience niya sa labas ng University ay ang paglalaro sa Portsmouth Invitationals.
Mula dito, si Fletcher, na na-draft para sa ika-sampung round ng Idaho Stampede sa Continental League, ay napaganda ang kanyang paglalaro para sa Hassett BT sa Belgium at Anjou BC Angers sa France bago sumapi sa Sioux Falls Skyforce sa IBL.
Sa katunayan, para sa Barangay Ginebra, pinagpipilian nila sina Fletcher at Nate Johnson, ang 6’6 power forward mula sa Camden, New Jersey na naglaro rin sa Cincinatti Stuff sa IBL, na naririto rin sa bansa ngayon.
Isang produkto ng University of Louisville, si Johnson ay nahugot sa ikaapat na round ng La Crosse Bobcats sa CBA. Naglaro rin para sa Darussataka Spor Kulubu sa Istanbul, Turkey.
Nauna rito, may mga naulat na tangka rin ng Ginebra na kunin ang former Alaska Milk import na si Devin Davis dahil wala ng hawak ang Aces kay Davis makaraang hindi ito kunin noong isang taon habang mas pinili ng Alaska si former Sta. Lucia Realty import Kurk King.
Sa kabilang banda, si Davis, hinirang na Best Import ng 1998 Commissioner Cup, ay hindi ubrang makapaglaro dahil sa nakatakda itong sumailalim sa isang foot surgery matapos ang kanyang paglahok sa Spanish League. (Ulat ni AC Zaldivar)