Bago sumapit ang torneong ito ay nag-aalinlangan si Go kay Bulauitan sa kanyang performance, ngunit matapos ang kanyang gold medal finish sa long jump at 100-m dash ay naging kumpiyansa si Go kayat siniguro na nito ang pangalan ni Bulauitan sa national team na sasabak sa Southeast Asian Games sa September sa Kuala Lumpur Malaysia at sa katunayan ay isa na rin ito sa inaasahan ng PATAFA president na makapagbi-bigay ng SEAG gold.
"Ang una kong prediction ay 7-gold medals pero after today, siguro kulang na ang 7-golds. Yan si Bulauitan, sure gold na yan," pahayag ni Go." Unti-unti nang nagpi-peak ang performance niya kaya pagdating ng SEA Games, siguradong nasa peak na yan."
Si Bulauitan na kumatawan ng Philippine Army ay lumundag ng 6.25 sa womens long jump na mas maganda kaysa sa kanyang tinalon na 6.14m sa Taiwan at 6.15m sa Thailand at nanguna rin ito sa 100-m dash sa kanyang oras na 11.6 segundo.
Labis ding natuwa si Go sa naging performance ni Amandoron na nakahigit sa SEA Games record na mas malayo sa hagis ni Zhang Guirong na kumatawan ng Singapore bagamat itoy permanent resident pa lamang, 54.34m para sa kanyang ikalawang gintong medalya.
Si Amandoron isa rin sa inaasahang makaka-kuha ng gold sa SEA Games ay binigyan ng pabuya ng sponsor na Philippine Sports Commission na P50,000 dahil sa kanyang performance.
Ang isa pang pag-asa ng bansa na makakakuha ng gold sa SEAG ay si John Lozada na kumopo din ng ginto sa mens 800-m run sa kanyang oras na 1:50.3 handtime o 1:50.22 sa electronic time.
Tinalo ni Bulauitan sa long jump sina Marestella Torres ng FEU (6:07m) at Morena Cestiada ng UST (6:05m) bilang bronze at silver medalists, ayon sa pagkakasunod at sina Ornanut Khandee ng Thailand (12.00) at Pradeepa Herath ng Sri Lanka (12.21) sa 100m dash.
Ginapi naman ni Lozada sina Rodrigo Tanuan ng Army (156.9) at Alley Quisay ng Virgen Milagrosa University (1.57.4) para sa second at third place finish, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang inaasahang maka-gold sa SEA games ay sina Felix Deli-cano, Eduardo Buenavista at Toto Gallenero.(Ulat ni Carmela Ochoa)