PBAPC Player of the Week si Racela

May personal na motibasyon si Olsen Racela sa kasalukuyang All-Filipino Cup ng Philippine Basketball Association.

"Sa lahat sa amin, si Boybits (Victoria) lang ang may singsing," ani Racela.

Sa pagtatapos ng best-of-seven series, umaasa si Racela na maitama ang sitwasyon. Hindi nakapagtatakang umangat ngayon sa opensa si Racela na may average na 18.0 puntos nitong nakaraang Abril 29 hanggang Mayo 6.

Hindi rin nakapagtataka na ang 5’10 na point guard ay walang kalaban sa botohan ng Player of The Week ng PBA Press Corps.

Ang nakakagulat sa lahat ay nagtala ito ng pito sa kanyang 8-triples sa isang linggo lamang na nakatulong sa pagpapahina ng interior defense ng kanilang tinalong koponan.

"Ine-expect kasi namin yung double team down low. When you double, somebody usually gets freed and that somebody happens to be me. I guess suwerte din na pumapasok ‘yung tira ko."

Ang pinakamalaking three-point shot nito ay ang kanyang ipinukol sa haparan ni Johnny Abarrientos na tumapos sa kanilang semifinal series at posible itong maging key-point kung tuluyan nang maibubulsa ng San Miguel ang All Pinoy Cup.

At ang pagkopo ng All-Filipino Cup ang nasa utak ni Racela.

"We’re here to win. This one is for the championship ring. Besides if we lose, sasabihin na naman ng mga tao na nananalo lang kami pag may import. We really want this."

Dahil walang kalaban, naungusan ni Racela sa botohan ang kanyang mga kasamahang sina Danny Seigle at Danny Ildefonso.

"Normal lang kasi yung mga numero na yan sa dalawa. Yung nakapagtataka, yung umiskor ng 18 points a night ang isang Racela," anito.

Show comments