Ito ang ikatlong sunod na panalo ng Paint Masters na nag-angat ng kanilang record 4-3 win-loss slate habang lalo namang nabaon ang Iridologists na lumasap ang kanilang ikapitong sunod na kabiguan sa gayundin karaming laro.
Taglay ang 47-43 bentahe papasok ng final canto, higit itong pinalawig ng Welcoat sa pamamagitan ng 9-2 run sa pangunguna ni Jojo Manalo upang kunin ang 56-45 abante.
"Maganda na ang nilalaro ng team pero hindi pa 100%," pahayag ni Welcoat coach Junel Baculi. "Pero papunta na doon. Sana magtuluy-tuloy na ito."
Nagbanta ang Osaka sa pangunguna ni Manny Ramos na namuno sa 12-5 run upang makalapit ang Iridologists sa 57-61 matapos ang tres ni Rommel Daep.
Ngunit muling pumutok ang mga kamay ni Manalo na umiskor ng tres para ilayo ang agwat ng Paint Masters, 64-52 kasunod ng kanyang dalawang freethrows at ni Eugene Tan laban sa split shot ni Daep na siyang sumiguro ng tagumpay ng Welcoat.
Tumapos si Manalo ng 20 puntos, 10 nito ay buhat sa fourth quarter bukod pa sa kanyang apat na rebounds at 1 assist katulong si Yancy de Ocampo na nag-ambag naman ng 14 puntos. (Ulat ni Carmela Ochoa)