Tatangkain ng Paint Masters na palakasin ang kanilang tsansa sa quarterfinal round sa pakikipagsagupa nito sa Osaka Iridology sa ganap na alas 3:30 ng hapon samantalang papalawigin naman ng Shark ang kanilang panalo sa walo laban sa Montana Pawnshop mamayang alas 5:30 ng hapon.
"We need as many wins to assure ourselves of the first finals slot. And I still have to incur that mental toughness in preparation for that, and Montana will be a good test for the boys," wika ni Shark coach Leo Austria.
Nag-aalala si Austria dahil tiyak na magiging mahigpit ang labanan nila dahil kakailangin ng Jewelers na makabangon mula sa dalawang sunod na kabiguan nito, ang huli ay sa Welcoat sa iskor na 54-58 noong Abril 24.
Sa iba pang laro, pipiliting tuhugin ng Welcoat ang kanilang tatlong huling laro para makamit ang kanilang fifth straight final appearances habang patuloy ang kanilang kampanya upang mapanatili ang kanilang korona.
Samantala, pinakawalan ni Ranulfo Abo ng ML Kwarta Padala ang isang buzzer beating triple na nagpatumba sa M.Lhuiller sa iskor na 87-86 tagumpay sa 1st OHM CBL-MICAA Summer Showdown na ginanap sa Tabunok Sports Complex sa Cebu City.
Ilang segundo na lang ang nalalabi sa pamumuno ng M.Lhuiller sa iskor na 86-84 nang ipasa ni guard Joselito Celiz ng ML Kwarta Padala ang bola kay Abo na siyang nagdala sa kanila ng 1 puntos kalamangan bago matapos ang laro. (Ulat ni Carol Fonceca)