Kasalukuyang nakikipag-usap ang boxing promoter na si Gabriel "Bebot" Elorde Jr., sa isang preliminary talks para sa posibleng pagsabak ng magkapatid na Rubillar sa kasalukuyang world champions.
Inaalok ni Elorde ang Koreanong si Yosam Choi, ang WBC lightflyweight champion para sa posibleng world title kontra kay Juanito na gaganapin alin man sa Manila o Seoul, habang isasabak naman si Ernesto kontra Jose Antonio Aguirre ang WBC minimumweight champion ng Mexico sa Manila o sa Tijuana.
Matatandaan na impresibong performance ang ipinamalas ng dalawa sa undercard ng Manny Pacquiao-Wethya Sakmuangklang ng Thailand noong Sabado na ginanap sa Kidapawan City.
Isang technical knockout ang itinala ni Juanito sa ikaanim na round kontra Fahsang Pow Pongsawang sa lightweight class, habang umiskor naman ng knockout si Ernesto sa ikaapat na round laban kay Somthawin Singwongcha sa minimumweight division.
Si Juanito ang No. 2 sa WBC ratings, habang nasa top ten naman sa lightflyweight at minimumweight divisions si Ernesto.
Sa ngayon, kasalukuyan nang sumasailalim ang Rubillar brothers sa intensive training at kung ang nasabing negosasyon ay maipormalisa, maaaring tanghalin ang dalawang Pinoy bilang world champions bago matapos ang taong ito.