"Gagawin ko ang lahat para talunin si Yamaguchi para naman hindi ako mapahiya sa mga kababayan kong manonood," wika ng 29-gulang na si Peñalosa kahapon sa kanyang nakatakdang 12-rounder encounter kontra sa Hapon.
Pormal na nagharap kahapon sina Peñalosa at Yamaguchi sa isang press preview na ginanap sa Araneta Coliseum kung saan gaganapin ang kanilang duwelo.
Mahalaga para kay Peñalosa ang tagumpay sa labanang ito dahil bukod sa karangalan, ang sagupaang ito ang magiging basehan ng kanyang tsansa para lumaban sa world title.
At kung nagkataon ay muling magkakaroon ito ng pagkakataon na makaganti kontra sa Koreanong si In Joo Cho na siyang umagaw ng WBC superflyweight title mula sa kanyang mga kamay na nabigo rin nitong mabawi sa kanilang rematch.
Kung mananalo si Peñalosa, may tsansa itong harapin ang magtatagumpay sa pagitan ng kasalukuyang WBC superflyweight champion na si Masamori Tokuyama at ng challenger na si Cho.
Nakatakdang magharap sina Tokuyama at Cho sa Mayo 20 sa Seoul, Korea.
Ngunit determinado rin si Yamaguchi na pabagsakin si Peñalosa sa kanilang engkuwentrong tinaguriang Winning Time Lakas ng Pinoy."
Bagamat hindi bihasa sa wikang Ingles, ang sabi ni Yamaguchi, " I win, I win. No go down, No go down."
Matapos mabigong mabawi ang WBC title noong nakaraang taon, umiskor na ng dalawang panalo si Peñalosa kontra kina Pong Saengmorakot at Rattanachai Sor Vorapin na parehong buhat sa Thailand.
Bunga nito, taglay ni Peñalosa ang 42 wins, 3 losses at 2 draws kabilang ang 26 knockouts kumpara sa 29 wins, 6 losses at 1 -draw ni Yamaguchi na kinapapalooban ng 11 KOs.
Si Yamaguchi, mas mataas ng tatlong pulgada kontra kay Peñalosa ay hindi pa natatalo sa Pinoy.
Bilang supporting bouts, nakatakdang ha-rapin ni WBA minimum weight champion Joma Gamboa si Pigmy Mangchaiya ng Thailand habang magsasagupa rin ang wala pang talong junior lightweight titlists na si Randy Suico at Khumphoon Eausamphan mula rin sa Thailand.