Whiz Super Oil nilampaso ng University of Assumption

Muling nabigo ang Whiz Super Oil Treatment sa ikalawang pagkakataon matapos na ilampaso ng University of Assumption sa iskor na 65-76 kahapon sa pagpapatuloy ng 1st Crystal Spring PYBL Title Cup sa Makati Coliseum.

Sumandig ang Blue Pelicans sa husay ni Welihado Duyag na umiskor ng 27 puntos at 17 rebounds upang ihatid ang kanyang koponan sa ikalawang sunod na panalo.

Sinikap naman ni Michael Alberto Nuqui na iahon ang Lubricants sa kanyang pagkana ng 20 puntos, ngunit kinapos ito ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan dahilan upang malasap ang ikalawang dikit na talo.

Muntik ng mauwi sa wala ang pinaghirapang 15 puntos na kalamangan ng Univ. of Assumption nang makahabol ang Whiz sa huling bahagi ng third canto, ngunit nananatiling matatag ang Blue Pelicans.

Samantala, ipagpapatuloy ng defending champion Boysen-MLQU ang kanilang kampanya sa pagpapanatili ng hawak na korona sa nakatakdang pakikipaglaban ngayon sa University of the Philippines. (Ulat ni Carol Fonceca)

Show comments