Magsisimula ngayon ang quarterfinal round kung saan isang panalo lamang ang kailangan ng Turbo Chargers at Purefoods TJ Hotdogs sa pagdako ng aksiyon sa Makati Coliseum.
Makakasagupa ng Shell ang Mobiline Phone Pals sa pambungad na laban sa ganap na alas-4:15 ng hapon habang makakaharap naman ng Purefoods ang Barangay Ginebra sa ikalawang laro dakong alas-6:30 ng gabi.
Dahil taglay ng Turbo Chargers at TJ Hotdogs ang bentaheng twice-to- beat na ipinagkaloob sa top-four team sa pagtatapos ng eliminations, nangangailangan ang Phone Pals at Gin Kings ng tig-dalawang panalo para makausad sa susunod na round.
Kung maipupuwersa ng Mobiline at Ginebra ang Game-two, paglalabanan ang makakausad sa best-of-five semifinals sa Biyernes.
Ang iba pang quarterfinals match ay ang San Miguel Beer kontra sa Red Bull at ang Pop Cola kontra sa defending champion Alaska Aces na maglalaban-laban naman sa Miyerkules.
Nagtapos sa eliminations ang Turbo Chargers (9-5), SMBeer (9-5), Pop Cola (8-6) at Purefoods (8-6) bilang top four teams na nabiyayaan ng twice-to-beat advantage patungong quarterfinals kung saan ang no. 1 ay haharap sa no. 8, no. 2 versus no. 7, no. 3 kontra no. 6 at no. 4 laban sa no. 5.
Nakuha ng Shell ang no. 1 slot dahil sa kanilang mas mataas na qoutient laban sa katablang San Miguel gayundin ang Panthers na nakakuha ng no. 3 slot kontra sa TJ Hotdogs na nakatabla sa 8-6 record.
Bagamat tabla sa 7-7 record ang Ginebra, defending champion Alaska at Red Bull, napasakamay ng Gin Kings ang no. 5 position dahil sa kanilang mataas na qoutient sumunod ang Aces bilang no. 6 at ang no. 7 ay ang Thunder dahil sa kanilang pinakamababang qoutient.
Ang Mobiline ay tumapos na may 6-8 kartada bilang no. 8.
Nasibak naman sa kontensiyon ang Tanduay Gold Rhum at Sta. Lucia Realty dahil sa kanilang 5-9 at 4-10 ayon sa pagkakasunod.
Sa dalawang beses na paghaharap ng Pop Cola at Shell sa eliminations, kapwa naipanalo ito ng Panthers, 68-59 noong Pebrero 2 at 77-54 noong Abril 1.