Ang 22 anyos na si Payla, isang armyman mula sa Cagayan de Oro at pinakahuling dagdag sa team, ay nagpakita ng malaking laban na bihi-rang makita sa mga baguhan nang pataubin nito ang Cuban na si Leon Alarcon, 12-6 habang niregaluhan naman ng 28 anyos na si Barriga ang kanyang sarili sa kanyang kaarawan ng isang 22-15 tagumpay laban sa Brazilian na si Luis de Souza.
Ang kanilang tagumpay ay nagbigay ng malakas na impact sa kabiguang natamo nina featherweight Ramil Zambales at lightmiddleweight Junie Tizon kontra sa mas malakas at mas matatangkad na kalabang boksingero mula sa powerhouse Cuba. Si Zambales ay natalo sa Cuban na si Yunier Barzaga, 0-5 habang si Tizon naman ay RSC kay local boy Fabier Barrera may 45 segundo na lamang ang nalalabi sa kanilang laban.
Ngunit ang pinaka-importante, ang panalo nina Payla at Barriga ay nagbigay sa Team Philippines na suportado ng Philippine Sports Commission at Pacific Heights nang apat na bronze medals sa seven-nation tournament na kinatatampukan ng pinakamahuhusay na amateur boxers ng Cuba na sina flyweight Maikro Romero at lighweight Mario Kindelan na kapwa mga gold medalists sa Atlanta at Sydney Olympics.
Ang dalawa pang Filipino na nasa semis ay sina bantamweight Arlan Lerio, beterano ng Sydney Games na tumalo sa Guatamelan na kalaban at welterweight Reynaldo Galido na makakalaban ang Cubano na si Renzo Aragon makaraang mag-bye noong Sabado ng gabi. Sina Payla, Lerio at Barriga ay magpupuntirya ng silver medals sa Linggo ng gabi.
Sapul nang lumahok sa torneo noong 1996, tanging si lightflyweight Mansueto "Onyok" Velasco at Lerio, na flyweight noon, ang nakakuha ng medalya kapwa silver noong 1996 at 1998, ayon sa pagkakasunod.
At sa apat na boksingerong nasa semis ngayon, umaasa ang Team Philippines na isang magandang pagtatapos dito sa kanilang paghahanda sa Kuala Lumpur SEA Games sa Setyembre.
Bukod kina Zambales at Tizon, ang iba pang miyembro ng team na wala na sa kontensiyon ay sina Danilo Lerio na yumuko sa Cuban pug (4-12) noong Huwebes at lightwelterweight Romeo Brin na lumasap ng mapait na kabiguan sa Cuban boxer na si Diogenes Luna (20-20/ 1-4), na isang bronze medalist sa Sydney Olympics at gold medal winner sa World Championships noong nakaraang taon.
Pagkatapos ng torneo na magtatapos sa ika-10 ng Abril, ang miyembro ng Team Philippines lahat ng walo ay makikipagsagupa naman sa dalawa pang torneo hanggang sa Abril 17. Ngunit hindi na kasali ang mga miyembro ng Cuban team dahil aalis sila patungong Ireland hanggang Hunyo para sa World Championships.