Sisimulan ang labanan ng Aces at Panthers sa ganap na alas-4:15 ng hapon na susundan na-man ng paghaharap ng Shell Velocity at Mobiline Phone Pals sa dakong alas-6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Ang mananalo sa pagitan ng Alaska at Pop Cola ay susunod sa mga nauna nang quarterfinalists na Turbochargers, walang larong San Miguel Beer at Purefoods TJ Hotdogs.
Ang Shell ay hindi lamang nakakatiyak ng puwesto sa 8-team quarterfinals kundi mayroon na rin itong bentaheng twice-to-beat na ipagkakaloob sa mga koponang magtatapos sa top four sa pagsasara ng elimination round.
Gayunman, may halaga pa rin ang kanilang tagumpay upang mapahigpit ang kanilang kapit sa no. 1 spot patungong quarterfinal phase kung saan ang top team ay haharap sa no.8, no. 2 vs no. 7, no. 3 kontra no. 6 at no.4 laban sa no. 5.
Mataas ang morale ng Shell papasok sa labanang ito dahil sa kanilang hawak na 9-3 win-loss slate na nagpatatag ng kanilang kapit sa solong liderato.
Ang Pop Cola ay nakapuwesto sa fourth place na may 6-5 kartada kasunod ang tatlong koponan na may pare-parehong 6-6 win-loss record na kinabibilangan ng Barangay Ginebra, Batang Red Bull at Alaska.
Ang panalo naman ng Phone Pals na nag-iingat ng 5-7 kartada ay magkakaloob sa kanila ng playoff ticket para sa ikawalo at huling quarterfinals berth at kung mananalo pa ito sa kanilang huling asignatura laban sa SMBeer ay tuluyan na itong maka-kausad sa susunod na round. (C. Ochoa)