PSC, tinutugunan ang pangangailangan ng mga atleta

Inulit kahapon ni Philippine Sports Commission chairman Carlos Tuason na ginagawa ng kanyang ahensiya ang lahat para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng national athletes na kamakailan ay nagdaos ng rally sa Malacañang upang isiwalat ang kanilang mga hinaing laban sa mga matataas na opisyales ng PSC.

"After these athletes presented their demands to us, we are now trying our best to find a solution. We will solve all this problems as long as they continue to hold dialogues with us," sabi ni Tuason matapos na makipagpulong sa lider ng mga nag-aklas na national athletes na si dating weightlifter Jaime Sebastian.

Ayon pa kay Tuason, sinimulan na ng PSC na maibigay ang ilang mga demands partikular na ang buong suporta para sa preparasyon ng mga atleta sa nalalapit na Kuala Lumpur Sea Games na nakatakda ngayong Setyembre.

Sinabi pa ni Tuason na kamakailan ay kanila ng ini-release ang ilang pangangailangan ng mga atleta gaya ng bitamina at iba pang kagamitan sa training.

Idinagdag pa ni Tuason sisimulan na ngayong linggo ng PSC engineers na tingnan ang quarters ng mga atleta sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex at sa PhilSports Arena sa Pasig City at sa kabila ng maliit na budget, kanilang sisikapin na mapaganda ang paninirahan ng mahigit na 700 miyembro ng national pool.

Ito ang ikalawang beses na pagkakataon na nakipagpulong ang grupo ni Sebastian sa PSC, ngunit ito ay nag-banta na kung hindi sila masisiyahan sa demands na hinihiling nila sa PSC, ipupursige ng grupo ang kanilang pagmamartsa sa Malacañang upang hilingin ang pagbibitiw ni Tuason at ang kanyang mga commissioners na sina Ritchie Garcia, William Ramirez at Amparo ‘Weena’ Lim, maliban lamang sa bagong talagang si Cynthia Carrion.

Show comments