Ang tambalang Eduardo Balbuena at Isidro Bongcasan na naghari sa nakaraang Beach Volleyball University Challenge ay nanaig kontra sa General Santos at Zambales Crabs.
Tinalo ng Foundation Dumaguete ang pares nina Ariel Atendido at Johnny Patrona ng Gen-San, 21-14, 18-21, 15-10 bago dinispatsa ang tandem ng Zambales na sina Ariel dela Cruz at Edcer Penetrante, 21-14, 21-19.
Kinakailangan na lamang manalo ng Foundation-Dumaguete kontra sa wala ring talong Cebu Wild Duck upang makakuha ng puwesto sa apat na semifinal slots ngayon.
Ang pares nina Ray Acojedo at Jasper Jimenez ng Cebu ay namayani kontra sa Manila WKP na binubuo nina Jonathan Bulaon at Ernesto Balubar, 21-16, 21-18 bago pinatalsik sina Goerge Pascua at Joseph Santos ng FEU Tamaraws, 26-24, 23-21.
Sa womens division, nakalapit din sa crossover semifinals ang Navy 2, Army at Air Force two na pare-parehong nakasungkit ng tig-dalawang panalo sa preliminaries kahapon.
Tinalo ng Navy 2 na binubuo nina Johanna Botor at Elen Dosdos ang La Salle sa pamamagitan ng default bago sumabak sa tunay na laban kontra sa Air Force 1 at itala ang 21-8, 21-9 tagumpay.
Pinabagsak naman ng Air Force 2 tandem nina Pine Estrada at Josie Mae dela Rosa ang San Sebastian 2, 21-7, 21-14 kasunod ang PSC doubles, 21-18, 21-19.
Ang pareha nina Michelle at Marietta Carolino ng Army ay nanaig kontra sa PSC, 21-18, 21-10 at Navy 1, 21-18, 21-9.