Agad na naiwanan sina Norvie Labuga at Dave Arreza ng USRJ-Cebu 2 sa 7-1 kalamangan, ngunit nagawa nilang umahon upang igupo ang tambalang Raffy Mosuela at Orlando Malazab ng San Sebastian College 1 sa pamamagitan ng 12-9 panalo.
Ang malakas na kill ni Labuga ang siyang nagselyo ng panalo para sa USJR-Cebu 2 upang kumpletuhin ang sweep sa Group 4 ng mens division upang makasama ang mga una ng sina Jamel Macasaman at Jerome Capada sa quarterfinals na magsisimula ngayon.
Hindi naman nagpahuli ang Foundation at kanilang pinarisan ang panalo ng USJR-Cebu 2 makaraang hiyain ang Lyceum, 12-4 upang maokupahan ang isang slot sa quarterfinals sa womens side.
Maagang ipinamalas ng tambalang Rolyn Marquicias at Melanie Eralon, kapwa baguhan pa lamang sa tournament na ito ang kanilang determinasyon nang iposte ang 5-0 kalamangan, pero nagawa itong ibaba ng Lyceum nang kumana naman ng apat na sunod na puntos sina Agnes Dichaves at Janet Bermudo, subalit sinalanta naman sila ng mga errors na siyang naging susi ng Foundation sa kanilang panalo.
Naging impresibo ang ipinakitang performance ng Foundation nang tatlo sa kanilang apat na lahok ang nakapasok sa susunod na round.
Habang sinusulat ang artikulong ito, kasalukuyan pang pinag-aagawan ng SSC 1 at Adamdon University 1 ang final slot para sa susunod na round sa mens side.
Magsisimula ngayong alas-8 ng umaga ang quarterfinals match kung saan tampok ang celebrity match na babanderahan nina Isabel Granada at Bianca Araneta, Rustom Padilla, Bojo Molina, Alex Compton ng MBA at DJs Crystal ng WTM, Sandy Rock at Mojo Jojo ng WTM.
Ang nasabing limang araw na event na ito ay suportado ng Dunkin Donuts, Westin Philippine Plaza, Astring-O-Sol, Mikasa, Milo at Nescafe Frothe.