Haharapin ng 22-anyos na Filipino champion ang Japan-based North Korean challenger Tetsutora Senrima sa nakatakdang 12-round bout na ipalalabas simula sa alas-8 ng gabi sa Viva Television sa IBC-13.
Tinaguriang "Rumble in Antipolo" ang nasabing blockbuster bill ay hatid ni Gabriel "Bebot" Elorde Jr., at ipiprisinta ng San Miguel Beer sa koordinasyon ni Gov. Casimiro Yñares Jr., at suportado ng Royal Palm Hotel, Casino Filipino, PCSO at Darlington socks.
Lampas si Pacquiao ng isang pound matapos tumimbang ng 123 lbs. sa kanyang unang pagtatangka, ngunit nakuha rin niya ang eksaktong timbang na 122 makaraan ang ilang oras, habang tumimbang naman si Senrima ng 122 kahapon sa isinagawang official weigh-in sa Games and Amusements Board office.
Bawat kampo ay nagsasabi na madali nilang tatapusin ang laban kung saan nagpahayag ng prediksiyoin si Pacquiao na agad ding babalik sa kanyang bansa sa Japan si Senrima, habang sinagot naman ito ng kabilang panig na hahalik sa canvass ang Pinoy pug para sa isang knockouts.
"Sa unang tunog pa lang ng bell ay kailangang mapabagsak ko na siya, bago niya ako maunahan," wika ni Pacquiao. " Pero sa tingin ko may paglalagyan siya (Senrima) gaya rin ng mga nauna kong kalaban."
Sinabi pa ni Pacquiao na nakahanda siya sa anumang hakbang na ga-gawin ni Senrima dahil matagal na niyang pinag-aralan ang mga galaw nito.
Dalawa pang malalaking laban ang kasama sa Pacquiao-Senrima bout ang WBC International title fights nina minimum-weight champion Zarlit Rodrigo na lalaban naman sa beteranong si Ernesto Rubillar at Randy Mangubat na makikipagbasagan ng mukha kay Bert Cano para sa flyweight title.