Under 16 Active Open Chessfest sisimulan sa Sabado

Magiging high-tech ang gaganapin ngayong Sabado na kauna-unahang Under-16 Active Open sa Philippine Chess Center-Quezon City ganap na alas-10 ng umaga.

At dahil sa international standards, hahawak ang mga kalahok ng kani-kanilang piyesa na gagamit ng digital clocks at sensory boards. Isang projectors ang ikukunekta sa mga nasabing boards upang makita ng mga manonood ng malapitan ang mga laro.

Ang nasabing isang araw na tournament ay inorganisa ng Philippine Chess Society na gagamitan ng 6-round Swiss System format na mayroong 30 minutong nakalaan sa bawat manlalaro kada laro upang tapusin ang kanilang laban.

Nakataya rito ang mga premyo at tropeo para sa top finishers.

Tinatayang aabot sa 40 woodpushers sa pangunguna ng Asean U-16 champion na si Oliver Barbosa, National Juniors titlist John Paul Gomez at National Kiddies winner Julio Catalino Sadorra ang inaasahang lalahok sa nasabing kompetisyon.

Ang event na ito ang siyang magsisilbing kick-off leg para sa buwang serye ng mga kompetisyon na gaganapin tuwing ikaapat na Sabado ng buwan bilang preparasyon para sa nalalapit na Asian Under-16 Chess Championships na nakatakda sa huling bahagi ng taong ito na iho-host ng bansa.

Si International Arbiter Gene Poliarco National masters Erwin Carag at Tony Calvo ang nag-organisa ng isang linggong meet na ito na aakto bilang mga arbiters.

Para sa iba pang detalye at interesadong partido ay tumawag lamang kay Joey Moseros sa nasabi ring lugar mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi sa tel. 9293583 o 4142302.

Show comments