Ikalawang sunod na panalo target ng Pop Cola at Shell

Ikalawang sunod na panalo ang target ng Pop Cola Panthers at Shell Velocity sa magkahiwalay na laro ngayon sa pagpapatuloy ng eliminations ng PBA All-Filipino Cup sa PhilSports Arena.

Sa pambungad na laban, ganap na alas-5:15 ng hapon, magkukrus ng landas ang Turbo Chargers at Batang Red Bull, habang ang Panthers naman at Mobiline ay magpapang-abot sa dakong alas-7:15 ng gabi.

Ang tagumpay ng Pop Cola at Shell na kapwa namayani sa kanilang debut game sa opening conference na ito ng 27th season ng PBA ay magbibigay sa kanila ng karapatang saluhan sa liderato ang San Miguel Beer at Purefoods TJ Hotdogs na may 2-0 rekord.

Sa debut game ng Panthers at Turbo Chargers noong Biyernes, nagtagumpay ang Pop Cola kontra sa Red Bull Thunder, 88-77, habang ang Shell naman ay na-mayani kontra sa Phone Pals, 68-59.

Ang Mobiline at Thunder ay kapwa may 0-1 record sa likod ng defending champion Alaska Aces at Barangay Ginebra habang ang Tanduay Gold Rhum at Sta. Lucia Realty naman ay kapwa bigo sa kanilang unang dalawang asignatura. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments