Mobiline yuko sa Shell sa PBA All-Filipino Cup

Naging matatag ang Shell Velocity sa huling bahagi ng labanan upang maiposte ang 68-59 panalo kontra sa Mobiline Phone Pals sa pagpapatuloy ng eliminations ng PBA All Filipino Cup sa PhilSports Arena kagabi.

Pinangunahan ni Mark Telan ang Zoom Masters sa paghakot ng 19-puntos, 6-rebounds at 2 assists para sa buwena-manong panalo ng Shell.

Matapos magsara ang unang canto na tabla ang score sa 12-all, kumawala ang Shell sa sumunod na quarter upang kunin ang 34-24 bentahe sa halftime.

Humakot ng 22 puntos ang Zoom Masters laban sa 12 lamang ng Mobiline na solong inaakay ni Victor Pablo sa first half sa paghakot ng 11 puntos.

Nagbangon sa third quarter ang Mobiline sa paghakot ng 23 puntos at nalimitahan lamang sa 9-puntos ang Shell upang agawin ang kalamangan, 43-47 patungo sa final canto.

Nawalang-saysay ang pagpupursigi ng Phone Pals na pinangunahan ni Victor Pablo na tanging nakapagtapos ng double digit, 20-puntos. Matapos malasap ang kabiguan.

Habang sinusulat ang artikulong ito ay kasalukuyang naglalaban ang Batang Red Bull at Pop Cola Panthers bilang main game kagabi.
Tanduay Vs Gins Sa Urdaneta
Matapos mabigo sa kani-kanilang debut game, hangad ng Tanduay Gold Rhum at Barangay Ginebra na matikman ang kanilang unang tagumpay sa pag-usad ng eliminations ng PBA All-Filipino Cup.

Dadako ang aksyon ng PBA ngayon sa Urdaneta, Pangasinan bilang unang out-of-town game ng season.

Nalasap ng Tanduay ang 66-75 pagkatalo kontra sa Purefoods TJ Hotdogs noong Miyerkules sa PhilSports Arena.

Hindi rin naman naging mapalad ang Gin Kings kontra sa kanilang kapatid na kumpanyang San Miguel Beer 88-92.

Tiyak na ibayong paglalaro ang ipapamalas nina Vergel Meneses, Bal David, Jun Limpot kasama ang rookies na si Mark Caguioa ngunit tatapatan naman ito nina Bong Hawkins, Jeffrey Cariaso, Dondon Hontiveros, Wynne Arboleda at Jason Webb. (Ulat ni Carmela Ochoa)

Show comments