Laguna, overall champion sa 2nd Batang Pinoy National Championships

STA. CRUZ, Laguna -- Napanatili ng Laguna ang overall title sa pagsasara ng 2nd edition ng Batang Pinoy National Championhsips na isang malaking konsuwelo sa pagho-host ng naturang event dito sa San Luis Sports Complex dito.

Humakot ng karangalan ang Laguna buhat sa athletics, cycling at swimming upang umani ng kabuuang 32 gold, 17 silver at 22 bronzes at pagharian ang 12-and-under competition.

Ang produksiyon ng Laguna ay doble sa kanilang inani sa unang pagtatanghal ng Batang Pinoy noong 1999 sa Bacolod City.

Pinangunahan ng trackster na si Aiza Cometa ang pananalasa ng Laguna sa pagsukbit ng anim na gold medals upang maging most be-medalled athlete ng palaro kung saan may 44 at 10 records ang nasira sa swimming at athletics ayon sa pagkakasunod.

Pinangunahan ng 12-anyos na si Cometa ang 100m, 200m at 400m runs at 4 x 400m relays sa pamamagitan ng record breaking performance.

Ang Laguna ay may anim na gold sa track and field, 10 sa swimming sa pangunguna ni Banjo Borja at pito sa cycling competition.

Sumandal naman ang Muntinlupa, ang third overall noong 1999, sa gymnastics upang makuha ang runner-up honors sa paghakot ng 26-golds, 20 nito ay sa gymnastics, 12 silvers at 15 bronzes.

Malayo naman ang agwat ng tradition powerhouse Manila na may 11-6-7 gold-silver-bronze upang makuha ang third place.

Ang Laguna ay tatanggap ng P300,000 halaga ng sports equipment mula sa Philippine Sports Commission, P200,000 para sa Muntinlupa at P100,000 naman para sa Manila.

Tinanggalan naman ng korona ng mga bata ni Misamis Oriental coach Roberto Jalnaiz, ang 1990 Beijing Asian Games gold medalist, ang defending champion Cebu City sa boxing competition matapos magbulsa ng isang gold at dalawang silver sa finals na ginanap sa plaza ng bayan ng Sta. Cruz.

Itinanghal si Alberto Yap bilang best boxer na naghatid ng kaisa-isang gold ng Misamis sa light cottonweight division.

Show comments