RP training pool buo na

Ang Philippine men’s basketball team sa apat na international tournaments sa taong ito ay bubuuin ng karamihan ay mula sa Metropolitan Basketball Association.

Inihayag ni RP men’s head coach Boysie Zamar ang 13 miyembro ng training pool.

Ang bumubuo sa national pool ay sina Rommel Adducol, Eddie Laure at Peter Martin mula sa Batangas-Manila, Christian Calaguio, Omanzie Rodriguez at Chito Victolero ng San Juan Knights, John Ferriols at Ruben dela Rosa ng Negros Slashers, Homer Se at Stephen Padilla ng Cebu Gems at Junel Mendiola at Jomar Tierra ng Laguna Lakers.

Si Egay Echavez ang tanging miyembro ng national pool na manggagaling sa Shark team ng PBL.

Bagamat na-draft si Tierra ng San Miguel sa PBA, hindi pa ito nakakapirma ng kontrata kaya’t nananatiling kandidato ito.

Ang anim na players mula sa youth team na magiging back-up sa training pool ay sina Mark Pingris, Manuel Caceres, Mare Padrones, Nicasio Tamayo, Joshua Ramirez at Ronnie Zagala.

Show comments