Shark kontra Welcoat sa finals

Muling naitakda ang paghaharap ng defending champion Welcoat Paints at Shark Energy Drink sa best-of-seven championship series ng 2000 PBL Challenge Cup.

Ito’y naisaayos matapos na sibakin ng Ateneo-Pioneer ang isa sa tatlong nalalabing pag-asa ng Hapee Toothpaste nang kanila itong payukurin sa iskor na 78-75 sa pagpapatuloy ng semifinals sa Makati Coliseum.

Humakot si Edrick Ferrer ng 22 puntos, limang rebounds at tatlong assists, habang isinelyo naman ni Enrico Villanueva ang kanilang panalo sa pamamagitan ng pagkunekta ng dalawang free throws sa final 8.8 segundo upang itakas naman ng Pioneer Insurers ang ika-anim na panalo sa 15 pakikipaglaban upang palakasin naman ang kanilang tsansa para sa ikatlong puwesto.

Ang kabiguang ito ng Teeth Sparklers ang siyang pumigil upang makatugon sa 4-of-5 incentives. Gayunman, sila ay mayroon pa ring pag-asa para mapasabak sa third place.

Matapos ang 10-sunod na panalo ng Welcoat Paints, lumobo sa 405 puntos ang statistical points ni Renren Ritualo na nagkaloob sa 6’2 shooter ng liderato sa karera ng Most Valuable Player

Samantala, sina PBL chairman Dioceldo Sy at Welcoat team owner Raymond Yu, nahalal bilang chairman at vice chairman ng PBL board, ang panauhin ngayong umaga sa Lingguhang SCOOP sa Kamayan sa West Ave., Q.C.

Show comments