Nakatakdang magsimula ang boxing competition, ilang events sa gymnastics at athletics ngayon sa San Luis Recreational Educational and Sports Village nang magdesisyon ang mga organizers na i-postpone ang mga naka-schedule na laro kahapon dahil sa pagkabigo ng mga opisyal ng mga kalahok sa koponan na isumite ang kanilang line-ups.
Nagkaroon din ng problema sa swimming kahapon nang isinugod sa Laguna Doctors Hospital ang 12-anyos na si Clarissa Madriaga ng Cagayan Province nang bigla na lamang itong mahilo habang nagpa-practice.
Ayon sa mga doktor, si Madriaga ay may acute urinary tract anfection at acute pharyngitis at walang katotohanan ang naunang balitang mayroon itong dengue fever.
Sasagutin ng PSC ang lahat ng gastos ni Madriaga ayon kay PSC Commissioner William Ramirez, ang project director ng event.
Tinatayang umabot naman sa P74,000 ang nanakaw mula sa mga staff ng Management Information System at medical team ng Philippine Sports Commission na naka-billet sa La Corona Hotel sa Pagsanjan.
Nawalan ng P11,000 ang MIS head na si Jun Santos na nagsabing natuklasan nila ang pagnanakaw nang dumating sila sa hotel noong Linggo ng gabi mula sa Batang Pinoy Secretariat sa San Luis RECS dito.
Ang mga ball games lamang tulad ng football, little league baseball at softball ang natuloy na magbukas kahapon matapos lumobo ang bilang ng mga kalahok sa mahigit 5,000 mula sa 3,651 na naunang bilang. (Ulat ni Joey Villar)