Ang panalong ito ang nag-angat sa Ateneo-Pioneer sa 5-7 record matapos ilista ang kanilang unang panalo sa dalawang laro sa 6-team single round robin carry-over semifinal match.
Obligado ang Pioneer Insurers na ipanalo ang kanilang huling tatlong nalalabing laro upang makatupad sa 4-of-5 incentive rule na magkakaloob sa kanila ng tiket sa playoff ng huling finals berth.
Nalasap naman ng Blu ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan sa semis at ikalima sa kabuuang 12 laro. Bunga nito, kailangang ipanalo rin ng Detergent Kings ang huling dalawang laro para makapuwesto sa top two.
Inalat sa free throw line ang Ateneo sa huling maiinit na sandali ng labanan ngunit ang paghugot ng foul ni Edrick Ferrer mula kay Marlon Kalaw sa huling 4.1 segundo ng bakbakan ang naging tuntungan ng Ateneo-Pioneer sa tagumpay.
Umiskor ng split shot si Ferrer para sa final score at hindi na pinakinabangan pa ng Blu Sun Power ang nalalabing oras ng labanan.
Sa loob ng anim na minuto, ang tanging produksiyon ng Detergent Kings ay limang puntos lamang, ang three-point play ni Edwin Bacani at dalawang free throws ni Kalaw.
Ito ang lumukob sa 6-of-14 free throw shooting ng Pioneer Insurers na pinangunahan ni Ritchie Alvarez na humakot ng kabuuang 18 puntos.
Naging mainit at dikit ang laban nang halos di naglayo ang iskor ng dalawa na makailang beses pang nagtabla na ang huli ay sa pagtatapos ng ikatlong yugto ng laro, 57-all.
Namuno para sa Blu si Egay Billiones sa kanyang kinamadang 15 puntos.